Deus Caritas Est! Ang Diyos ay Pag-ibig!

Halina at sumandaling magnilay sa dakilang regalo sa atin ng Panginoon, ang Mabuting Balita ng Kanyang Anak na si Hesus! Halina't damhin ang kanyang dakilang pagibig na palagi niyang pinaguumapaw sa bawat isa sa atin!

Humingi, Humanap, Kumatok....


Huwebes sa Ikadalawampu't pitong Linggo sa Pangkaraniwang Panahon
Oktubre 8, 2009 (San Demetrio)

Mahirap maghanap, nakakainip kumatok, at nakakahiyang humingi. Subalit, sa ating ebanghelyo, ito ang itinuturo sa atin ng Panginoon, humingi, humanap, kumatok.
Marahil para sa iba, madaling humingi sa Panginoon, manalangin ka lang nang manalangin na sana bigayan ka ng ganito, ng ganoon, ng ganyan, napakadali... Madali lang ding mahanap ang Panginoon, pumunta ka lamang sa simbahan o dili kaya naman sa altar of repose, tiyak na makikita mo at makakapiling ang Panginoon sa anyo ng tinapay. Kung pagkatok lang din naman sa tahanan ng Diyos sa langit, madali lang din ito sapagkat madalas ay naisasama na natin ito sa ating mga panalangin na kalimitan ay puro pahingi... Bakit kailangang ituro ito sa atin ng Panginoon? Dalawang bagay ang itinuturo ng Panginoon, una ang maging bukas-palad sa Diyos, at ikalawa, sa ating kapwa.
Oo madali ang lahat ng bagay-bagay kung lahat ng ito ay para sa ikagiginhawa natin, pero kung para sa iba, madali nga ba? Kapag may hinihingi sa atin ang Panginoon naibibigay ba natin? "Ibigin mo ang iyong kaaway, at idalangin ang bawat umuusig sa iyo..." madali lang,.. hindi mo kailangang gumastos ng salapi, ni hindi mo nga kailangang lumabas ng bahay upang gawin ang hinihingi sa iyo ng Panginoon ngunit, napagbibigyan mo ba Siya? "Mangilin ka tuwing araw ng Linggo at iba pang Pistang pangilin" madali lang,... isang oras lang ang hinihingi sa atin kung araw ng Linggo, pero nagsisimba ba tayo? Siguro oo lalo na kung may mahigpit na pangangailangan... Pero kung wala? Nasaan tayo?
Kung ang Panginoon ay madaling mahanap, tayo kaya? Kapag sinabi sa atin na hinahanap tayo ni ganito dahil kailangan niya ng ganyan, madali ba tayong matagpuan? Kapag tayo ang may kailangan, para tayong may special hacking device na kahit saan magtago ang ating tinutugis at tiyak nating matatagpuan. Pero kapag sila naman ang may kailangan, nasaan tayo. Wala out of town, wala may sakit, wala may problema din, wala may utang din, wala, kahit hindi naman talaga...
Kapag kumakatok tayo sa tahanan ng Panginoon, palagi Siyang nakahandang tayo ay salubungin, tulad ng ama ng alibughang anak,... subalit, kapag tayo ang kinakatok ng Panginoon, ano ang nagiging tugon natin? Kapag kinakatok ng isang pulubi ng ating puso, ano ang ipinakikita natin? Pagiimbot, karamutan, pagkamakasarili? O awa, pagibig, at pagiging bukas-palad?
Sana, kung paanong marunong tayong humingi, humanap at kumatok, nawa, sa tulong ng grasya at awa ng Panginoon, matuto sana tayong makinig at makisama sa ating Panginoon at kapwang, humihingi, humahanap at kumakatok sa atin. Amen.

Narito ang Alipin ng Panginoon!


Paggunita sa Mahal na Birhen ng Santo Rosario
Oktubre 7, 2009

Nakahanda ka bang tumugon ng "Oo" sa isang kaibigang humihingi ng dagliang tulong? Nakahanda ka bang sumagot ng "Oo" sa isang planong walang katiyakan? Ito ang ipinapakitang halimbawa sa atin ni Maria sa ebanghelyo para sa araw na ito.
Hindi basta-bastang "Oo" ang ibig sabihin ng tugong ito ni Maria. Punong-puno ito ng iba't-ibang pahayag.
Una, "Oo, nananalig ako sa Iyo, Panginoon..." Sa tingin ng isang labing-apat na taong dalaga, walang katiyakan ang pagdadalantao nang walang ama. Hindi pa katulad ng lipunan natin ang lipunang ginagalawan ni Maria noon. Kapag nahuli siyang nagdadalang-tao maaari siyang ihabla ni Jose sa salang pangangalunya sapagkat sila ay nakatakda nang pakasal nang siya ay mabuntis. Nalalaman ito ni Maria, subalit dahil sa ang Diyos Ama ang nagsabi, oo ang magiging katugunan niya.
Ikalawa, "Oo, sasamahan kita sa gitna ng tuwa, hapis at luwalhati..." Ang pagiging ina ng mananakop ay batbat ng hapis. Ano na lang ang nadarama ng isang ina na magsisilang ng kanyang panganay na anak sa isang "hiram na sabsaban"? Ano kaya ang pakiramdam nang may nagbabanta sa buhay ng iyong anak? Ano ang pakiramdam nang nakikita mo ang iyong anak na unti-unting namamatay samantalang wala kang magawa? At maging hanggang sa huling hantungan, tanging isang hiram na libingan ang maipamamana mo sa iyong anak? Ang bawat tuwa, hapis at luwalhating nadarama natin ay sa palagay ko, makapitong ibayong nadama ni Maria sa piling ng kanyang Anak. Sana, kung nakadarama man tayo ng tuwa, ito ay dahil kapiling natin ang Panginoon. At kung nakadarama naman tayo ng hapis, lagi sana nating isipin na ito ay sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at nawa, sa tulong ng Panginoon at ng kanyang ina, ang Reyna ng Santo Rosaryo, ating mapagtagumpayan ang paghihirap natin sa buhay na ito at makabangon tayong maluwalhati mula sa kinalugmukan nating hirap, lungkot, dalamahati at kamatayan. Amen.

Huwag Kang Mangamba!


Martes sa Ikadalawampu't pitong Linggo sa Pangkaraniwang Panahon
Oktubre 6, 2009 (San Bruno, Pari, Paggunita)

Pangkaraniwan sa ating mga Pilipino ang pagiging maasikaso sa mga panauhin. Hospitable tayo sa mga bisitang dumarating, inaasahan man o hindi. Kaya't sa ating ebanghelyo, mauunawaan natin ang nararamdaman ni Marta na pagkamaligalig sapagkat ang pinakamahalagang panauhin, ang Panginoon, ay nasa kanyang tahanan. Natutuwa ang Panginoon sa ginagawang paglilingkod sa kanya ni Marta, subalit mas nalugod Siya sa ginawang pakikinig sa Kanya ni Maria. Nakalimutan ni Marta na hindi dumalaw si Hesus sa kanilang tahanan bilang isang Panginoong dapat paglingkuran kundi bilang isang Kaibigang naghahanap ng makakausap. Oo, nagalak sa Marta nang dalawin siya ng Panginoon subalit mas nagalak si Maria nang makausap niya ang Panginoon.
Ang pagiging abala natin sa maraming bagay ang madalas nagiging dahilan kung bakit hindi natin napapansin na dinadalaw pala tayo ng Panginoon, na hinihintay niya tayo sa katahimikan ng ating mga puso. Madalas, akala natin, sapat na ang pagpunta sa simbahan tuwing Linggo, upang masabing nagawa na natin ang dapat nating gawin bilang isang katoliko. Subalit, hindi ganon kababaw ang hinihingi sa atin ng Panginoon. Ang nais ng Panginoong Hesus ay isang kaibigan na makikinig sa kanyang tinig sa kabila ng napakaraming alalahanin ng buhay.
Nang sabihin Niya kay Marta, "Marta, Marta abala ka't balisa sa maraming bagay, isa lamang ang kailangan..." nais niyang sabihin, hindi lamang kay Marta, kundi sa bawat isa sa atin na, "Huwag kang mangamba, hindi ka nag-iisa, Ako'y naririto't kasama mo..." Ang Panginoon lamang ang tangi nating kailangan sa buhay, at wala nang iba.
Sa pagdalaw ng Panginoon sa bahay nila Marta, binibigyan niya tayo ng isang halimbawang dapat tularan. Ibig Niya tayong turuang magbahagi ng panahon para sa ating kapwa. Kailan ba natin huling dinalaw ang isang kaibigang pinagkakautangan ng loob? Kailan ba tayo huling pumunta sa ospital upang bigyan ng lakas ng loob ang isang kaibigang may sakit? Ang iyong magulang na may edad na, kailan ka huling umuwi sa inyo hindi upang humingi ng pera kundi upang maupo at makipagkwentuhan sa kanila? At maging ang kapatid mong may sama ng loob sa iyo, kailan ka huling dumalaw sa kanya upang humingi ng tawad? Kailan nga ba?
Sa bawat araw ng ating buhay, paulit-ulit na dumadalaw sa atin ang Panginoon. Maaaring sa anyo ng isang magulang, asawa, anak, kapatid, kaibigan, kakilala, pulubi, bata at maging sa ating mga tagumpay at pagkabigo, kahinaan at kalakasan, subalit pinatuloy ba natin Siya? Pinaglingkuran ba natin siya o kung hindi man, naupo ba tayo at nakipagkwentuhan sa Kanya? Amen.

Ang Kwento ng Mabuting Samaritano... Ang Kwento ng Pilipino sa gitna ng bagyo...


Lunes sa Ikadalawampu't pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Oktubre 5, 2009

Ang kwento ng mabuting Samaritano ang isa sa mga pinakasikat na talinhaga ng ating Panginoon. Marami sa atin ang nakaaalam sa kwentong ito. Subalit, ang nakakalungkot lamang ay, marami nga ang nakaaalam ngunit iilan lamang ang nakauunawa.
Hindi lamang basta-basta kwento ng pagtulong ang ipinakikita sa atin ng talinhagang ito ng Panginoon. Ito ay isang kwento ng paggiba sa isang pader na itinayo ng lipunan sa pagitan ng magkakapatid na Anak ng Diyos.
Noong kapanahunan ng ating Panginoon, malaki ang galit ng mga Hudyo sa Samaritano at gayon din ang mga Samaritano sa mga Hudyo. Malaki ang hidwaan sa pagitan ng magkabilang panig. Subalit, sa kwento ng Panginoon, hindi ang isang Saserdote, ni hindi rin ang isang Levita ang tumulong sa kanilang kapwa Hudyo kundi ang isang hindi inaasahang tao, isang taong maaaring itinuring na isang kaaway noong una, subalit nagbigay hindi lamang ng kanyang panahon, kundi maging ng kanyang sasakyang hayop, gamot, salapi at maging ang kanyang sariling pagkatao... Ibinahagi niya ang kung anong mayroon siya. Hindi siya katulad ng naunang dalawa na di man lamang yata naisipang magtapon ng sulyap sa kanilang kapwa Hudyo.
Ito ang ibig sabihin ng Panginoon ng sabihin niyang, "Habag ang ibig Ko at hindi handog..." at sa ibang bahagi naman ng kasulatan ay sinabi Niyang, "ibigin mo ang iyong kaaway, at idalangin mo ang umuusig sa iyo..." mas nagagalak Siya sa tulong na ibinibigay ng isang tao sa kanyang manguusig, kaysa mga paulitulit at mahahabang panalangin ng mga taong ni hindi marunong makipagkapwa-tao. At marahil, ako ay nananalig at naniniwala pa rin na marami sa ating mga kababayan ang nakaranas nito sa nagdaang bagyo. Mayroon siguro diyang limang taon nang hindi nakakausap ang kapitbahay dahil sa isang tsismis, subalit noong dumating ang sigwa, sila-sila din ang nagtulungan. Mayroon siguro diyang isang dekada nang nagiirapan sa kalsada dahil sa pangaagaw ng mister, subalit, noong wala nang masilungan ang isa, pinatuloy at pinasukob naman noong ikalawa...
Sa pagragasa ng tubig at putik, wala tayong matakbuhan, wala tayong masilungan, minsan kapag magkasabay na rumaragasa ang problema at pagkabigo, parang wala na tayong matakbuhan, parang wala na tayong mahingahan, bakit? Kasi lahat ng kapitbahay na nakapalibot sa atin, kaaway natin. Kasi, nagiging masaya lang tayo kapag nakikita nating nahihirapan ang mga kaaway natin, na maging sa pagdarasal natin ay naisasama pa natin ang paghihirap nang angkan ni ganito, na mabuti nga at nabuntis ang anak ni ganyan, at marami pang iba... Bakit sa halip na ikagalak natin ang pagkakadapa ng ating kaaway, bakit hindi tayo mag-abot ng isang kamay na tutulong sa kanya? Bakit hindi natin subukang ipagdasal ang mga numero unong tsismoso at tsismosa ng ating buhay sa halip na isumpa sila? Sa tingin ko, hangga't marami tayong pader na itinatayo sa pagitan natin at ng ating kapwa, lalo lamang tayong mahihirapang lumikas mula sa rumaragasang tubig at putik...
Nakakatuwang isipin na ang dahilan ng pakikipagkasundo natin sa ating kapwa ay hindi dahil sa paghingi natin ng tawad, kundi dahil, pinakilos tayo ng habag noong mga panahong wala nang matakbuhan ang ating kapwa kundi tayo na lamang... At iyon ang tunay na mensahe ng kwento ng isang napadaang tao na nagmagandang loob sa kanyang dating kaaway. Amen.