Deus Caritas Est! Ang Diyos ay Pag-ibig!

Halina at sumandaling magnilay sa dakilang regalo sa atin ng Panginoon, ang Mabuting Balita ng Kanyang Anak na si Hesus! Halina't damhin ang kanyang dakilang pagibig na palagi niyang pinaguumapaw sa bawat isa sa atin!

Ang Kwento ng Mabuting Samaritano... Ang Kwento ng Pilipino sa gitna ng bagyo...


Lunes sa Ikadalawampu't pitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Oktubre 5, 2009

Ang kwento ng mabuting Samaritano ang isa sa mga pinakasikat na talinhaga ng ating Panginoon. Marami sa atin ang nakaaalam sa kwentong ito. Subalit, ang nakakalungkot lamang ay, marami nga ang nakaaalam ngunit iilan lamang ang nakauunawa.
Hindi lamang basta-basta kwento ng pagtulong ang ipinakikita sa atin ng talinhagang ito ng Panginoon. Ito ay isang kwento ng paggiba sa isang pader na itinayo ng lipunan sa pagitan ng magkakapatid na Anak ng Diyos.
Noong kapanahunan ng ating Panginoon, malaki ang galit ng mga Hudyo sa Samaritano at gayon din ang mga Samaritano sa mga Hudyo. Malaki ang hidwaan sa pagitan ng magkabilang panig. Subalit, sa kwento ng Panginoon, hindi ang isang Saserdote, ni hindi rin ang isang Levita ang tumulong sa kanilang kapwa Hudyo kundi ang isang hindi inaasahang tao, isang taong maaaring itinuring na isang kaaway noong una, subalit nagbigay hindi lamang ng kanyang panahon, kundi maging ng kanyang sasakyang hayop, gamot, salapi at maging ang kanyang sariling pagkatao... Ibinahagi niya ang kung anong mayroon siya. Hindi siya katulad ng naunang dalawa na di man lamang yata naisipang magtapon ng sulyap sa kanilang kapwa Hudyo.
Ito ang ibig sabihin ng Panginoon ng sabihin niyang, "Habag ang ibig Ko at hindi handog..." at sa ibang bahagi naman ng kasulatan ay sinabi Niyang, "ibigin mo ang iyong kaaway, at idalangin mo ang umuusig sa iyo..." mas nagagalak Siya sa tulong na ibinibigay ng isang tao sa kanyang manguusig, kaysa mga paulitulit at mahahabang panalangin ng mga taong ni hindi marunong makipagkapwa-tao. At marahil, ako ay nananalig at naniniwala pa rin na marami sa ating mga kababayan ang nakaranas nito sa nagdaang bagyo. Mayroon siguro diyang limang taon nang hindi nakakausap ang kapitbahay dahil sa isang tsismis, subalit noong dumating ang sigwa, sila-sila din ang nagtulungan. Mayroon siguro diyang isang dekada nang nagiirapan sa kalsada dahil sa pangaagaw ng mister, subalit, noong wala nang masilungan ang isa, pinatuloy at pinasukob naman noong ikalawa...
Sa pagragasa ng tubig at putik, wala tayong matakbuhan, wala tayong masilungan, minsan kapag magkasabay na rumaragasa ang problema at pagkabigo, parang wala na tayong matakbuhan, parang wala na tayong mahingahan, bakit? Kasi lahat ng kapitbahay na nakapalibot sa atin, kaaway natin. Kasi, nagiging masaya lang tayo kapag nakikita nating nahihirapan ang mga kaaway natin, na maging sa pagdarasal natin ay naisasama pa natin ang paghihirap nang angkan ni ganito, na mabuti nga at nabuntis ang anak ni ganyan, at marami pang iba... Bakit sa halip na ikagalak natin ang pagkakadapa ng ating kaaway, bakit hindi tayo mag-abot ng isang kamay na tutulong sa kanya? Bakit hindi natin subukang ipagdasal ang mga numero unong tsismoso at tsismosa ng ating buhay sa halip na isumpa sila? Sa tingin ko, hangga't marami tayong pader na itinatayo sa pagitan natin at ng ating kapwa, lalo lamang tayong mahihirapang lumikas mula sa rumaragasang tubig at putik...
Nakakatuwang isipin na ang dahilan ng pakikipagkasundo natin sa ating kapwa ay hindi dahil sa paghingi natin ng tawad, kundi dahil, pinakilos tayo ng habag noong mga panahong wala nang matakbuhan ang ating kapwa kundi tayo na lamang... At iyon ang tunay na mensahe ng kwento ng isang napadaang tao na nagmagandang loob sa kanyang dating kaaway. Amen.

2 comments: